soda

25 11 2008

under rehab pa rin ako.

pinipilit ko pa rin umiwas sa pambansang pagkain ng mga tamad.

sabi kasi ni evan, ni ermats, ng ex ko, ng company doctor at ng pastor sa parokya namin eh masama ang nagkaka-kain ng anumang instant lalo pa’t araw-araw. lalo pa’t pancit canton. aha, special mention ang addiction ko.

naimagine ko mga pumuputok na dating natutulog na bulkan, nahati ang red sea, nagka-epidemya, kumulog, kumidlat, nilamon ng lupa ang mga pulitiko, sinakop ng mga decepticons ang pilipinas, at paranoid daw ako.

mali pagkakaintindi ko. masama pala sa katawan. ayun.

natakot ako na baka bigla ako tubuan ng kulugo sa betlog at magkaliskis ang baby-soft-skin (may angal?) kaya sinubukan ko iwasan ang mga instants lalo pa ang pancit canton araw-araw. muna. cool off muna ang relasyon namin ni aling maring, may-ari ng tindahan na binibilhan ko ng pancit canton.

mahirap kasi maging mapili ng aalmusalin lalo pat alas-tres ng madaling araw ka kumakain. kaya pandesal at liver spread ang pinag-tripan ko. may bukas pa kasing panaderya sa mga ganung oras. pero naglaon naisip ko may potassium bromate pala ang pandesal. kahit hindi ko alam ang kasamaang idudulot nito sa katawan ko alam ko from the mind of my back back of my mind mind of my back na masama ito dahil masyadong science bigkasin.

pinagdiskitahan ko naman ang nilagang itlog. yun nga lang hahanap-hanapin mo rin ang sabaw kaya wala kang no choice kundi isabay ito sa noodles. packing sheet, instant na naman.

matulog na lang kaya ko at huwag kumain ng almusal? hindi pwede. magwewelga ang mga alaga ko sa tiyan baka maglabasan sa ilong ko. pagmumurahin ako at ipalaman sa tinapay. paano na ang kaligtasan ng pilipinas.

blessing in disguise ang mandatory o.t namin kanina paguwi namin may bukas ng kainan. ultimate truth: hindi pancit canton o noodles o pandesal na binusalan ng atay ang almusal ko. tiningnan ko ang menu. pancit bihon, putik tunog pancit canton. sunod macaroni. pangatlong bandehado wadapak tropical specie ng pancit canton may repolyo, carrots, at hibla ng manok. anampalucha puro kalahi ng pansit. hindi pa raw kasi luto yung lugaw. macaroni ako. may sauce at giniling na baka. nilantakan ko ang ga-bundok arayat na serving na parang sasakupin na ng mga aliens ang mundo pagkatapos ay uminom ng soda. oo, soda. yun ang sabi ng teacher ko sa home economics, mas sosi daw pakinggan. wag ka na umangal, sige itagalog mo ang softdrinks.

to shorkat da long istori short hindi instant ang kinain ko kahit na instant pa rin yun kasi luto na ng binili ko at alam ko nilapastangan na ng vechin ang kaluluwa nun. pero suma total: nalagasan ako ng kwarenta pesos, may dahilan na naman para magyosi dahil busog na naman ang mga gremlins ko sa tiyan at extended na naman ang kaligtasan ng pilipinas. to hell wida instant-echos-is-bad-chuva-ekek. matapos magahasa ang mga tenga ko ng pagkatigas na earphones sa loob ng sampung oras mukha na silang tocino sino naman ang hindi magugutom nun? sige itagalog mo ang softdrinks.





anditonako

20 11 2008

pagpasok ko sa internet cafe kung saan ako nagrerenta ng kompyuter nagsabog ang mga nandun ng asin, bigas at barya (for good luck) habang sumisigaw ng “mabuhay ang bagong tule!” welkam! dati kasi sa blogspot ko dinudura mga dumi sa utak ko at dun nilalabas ang kamalayan kasama na ang mga kakulitan, pagkakamali, at pangarap.

may sarili akong pc pero ayaw akong payagan ng kumpanyang pinagta-trabahuhan ko na iuwi ito. hindi raw sila nag-iisyu ng permit to carry.

tagatanggap ako ng tawag. naglilingkod sa mga taong nasa matinding kagipitan (gaya ng kung paano i-unlock ang cellphone). tumatanggap mula sa mga parokyano ng mura, ebak, batikos, papuri. madalas ebak, pero wala akong pakialam.

sa gaya ko ang tulog ay isang luho. nagbubunyi  na ang mga mata ko kapag may matinong apat na oras na tulog. ang pusa natutulog sa ibabaw ng tv, ako nakakatulugan ang tv. limang buwan pa lang kasi ako sa trabaho. siguro pag nagtagal mananawa masasanay din.

natikman ko na lahat ng mutations ng kape. intense, regular, strong, mild, choco, hazelnut, mango, orange, strawberry, langka, chilimansi, 2in1, 3in1, 16in1, 99in1, sachet, stick, naka-lata, bote, banyera, bariles. name it all, basta tinitinda sa 711.

bespren ko ang mga convenience stores. nandun na lahat kasi ng gusto mong bilhin pag sarado na si manang. pero may kulang. sana may CR. hindi ko alam kung may specie ng 711 na may libreng ihi, hugasan kamay at etchasan, lahat kasi ng napuntahan ko wala. tamu naman kung saan andami mong pwedeng bilhin na isasaksak sa bituka mo wala man lang mapagdepositohan sa oras ng matnding pangangailangan. how inconvenient..

how inconvenience pala.

wala pa akong mahanap na magandang puwesto sa naiisip kong magandang bisnes. “ear spa”. madami na rin kasi call centers dito sa clark, pampanga. ganito ang siste: papahiran ng dark choco ang tenga mo at sisilamutakin ng paborito mong hayop na animal of your own personal choice.

mild: pusa / alanganing mild-alanganing hinde: aso / hard: kabayo / hard-as-in-hard-talaga: tyranosaurus rex / deluxe: aubrey miles

kahapon perstaym ko ule umuwi ng probinsya namin, pagkaraan ng tatlong buwan, dalawang linggo, limang araw, tatlo’t kalahating oras at anim na segundo. kung mali man ang kwenta ko hindi mo na malalaman yun. wala ang mga pinsan ko, ayos lang si ermats lang naman talaga ang miss na miss na miss na miss ko. naiintindihan naman niya na kailangan kong magpayaman para mabayaran ang utang ng pilipinas sa IMF. huwag ka mag-alala meh hindi nagpapaligaw ang binata mo dito. kumekerengkeng lang. gagalingan ko ang pakikipagmurahan sa mga kano para ma-regular agad ako. mag-iipon, bibili tayo ng isang isla sa batanes papatayo ng bahay-bakasyunan na may sariling 711 sa loob. magtiwala ka sa kin.

ilang buwan na rin ang nakaraan ng  iposte ko dun sa kabilang site na may haharapin akong bagong trabaho, mga bagong pagsubok, mga bagong kaibigan, bagong buhay. luma pa rin ang cellphone ko, pero madami na akong bagong natutunan dito.