alam mo po ba ang tungkol sa blog? sigurado hindi. parang ito yung notebook mo nun kung saan kinukuwento mo kung paano mo naiskor si lola, oo nabasa ko mga yun akala mo. ang kaibahan nga lang neto eh gumagamit ito ng kuryente, kumbaga kapag nagkamali ka ng spelling bigla ka makukuryente sa bayag, hahaha. joke joke joke. kumusta kayo ni lola diyan sa langit? sana tinatrato ka ng maganda ng mga anghel diyan. kumusta bilang Boss si papa Jesus? sabihin mo lang isusumbong natin siya sa HR. hahaha, peace, Papa Jay. ikaw ang topic ko ngayon sa blog ko ‘Lo, mahigit isang buwan na kasi ako hindi nakakapag-poste dito sa crib ko. parang Mara Clara lang, nagbabalik. oo nga pala, dadalaw ka ba bukas dito sa earth? kasi kung oo eh padadaanin sana kita sa may tindahan sa may kanto bili kang balut tsaka red horse, bayaran ko sa iyo dito. pero kung hassle sa iyo huwag na. at oo nga pala ulet kung pupunta ka dito sa earth isama mo si lola, iangkas mo na lang sa likod mo parang si Ding kay Darna, or parang si Jodi kay Cholo. Yihiiiiiiii..
tatanungin na rin kita dito kung tinanggalan ka nga ng etits dahil kaluluwa ka na para masabi ko kay kuya Badoodles. natatakot din kasi ako tungkol dun. huwag kang dadaan ng Dau kasi ma-traffic sigurado, at pagdating mo sa bahay sa Pangasinan huwag mo gugulatin si ermats, katok ka muna kasi kung bigla ka lilitaw baka masapak ka nun, alam mo na si ermats magugulatin. sigurado maglalagay naman yun ng mga kendels sa harapan ng bahay. huwag ka mag-alalala nasa ilalim na ng lupa na si Shuriken wala kakagat sa iyo, tsaka malamang di ka makikita nun unless totoo nga sabi ni Jessica Soho na may multo o kaluluwa daw kapag umuungol ang mga aso so ibig sabihin nakakakita nga sila. or nakakaamoy lang? or adik lang siya. naalala mo yung hologram shit ng GMA nung eleksiyon? alam mo kung bakit hindi siya ang isa sa mga pinag-cover? kasi hindi siya kakayanin dahil mabigat siya. wahaha. jumo-joke na apo mo ‘Lo. pero kinopya ko lang. hekhek,
isang oras na ako dito sa computer shop pangalawang talata ko pa lang, engot na talaga ako. iba talaga kapag walang practice. ang nagbabalik na kuwentista (lahat kinukuwenta, kahit bilang ng hakbang mula kinauupuan hanggang banyo) walang maikuwento. ang aba, self-proclaimed maangas, kinagigiliwan ng mga matronang blogger nilang stripper. deym. anak ng katuray. malalagasan na naman ng kuwarenta pesos papunta na ng sisenta ang bulsa ko wala pa rin. nai-bluetooth ko yata sa banyo kanina ang natitirang protina ng utak ko nung suminga ako. sayang naman. yung protina.
ang daming tanong ng tao tungkol sa kamatayan, bakit hindi kaya mag-invite si Boy Abunda ng isang kaluluwa para masagot na lahat ng katanungan na yun. tapos kapag ikaw ang nakuha ‘Lo hati tayo sa talent fee, red horse tayo. isa pa palang tanong ko, kung pangit pa rin kaya si mike enriquez kapag namatay siya?
undas na naman lolo, huli kong nakita puntod mo mahigit isang taon na. wala na akong exercise di gaya ng dati na ako naglilinis ng crib ninyo ni lola. hindi ko na rin nakikita mga kaibigan ko lalo na si.. at si.. shiiiiit. nakaka-miss. sa pasko at new year uuwi talaga ko at dadalawin ko haybol mo, man. really. promise. memories, wearing off. parang itong crib ko, puro agiw na. parang utak ko, inamag na. parang puso ko, kinolesterol na. nagmura na ba ako sa post ko na ito? hindi pa? putanginiks.
ang lahat may kamatayan. pero hindi nagtatapos sa kamatayan ang lahat. sabi nga ni einstein yung katawan ng tao kapag namatay nagiging heat energy, sumasama sa kalawakan nagiging light energy at iikot ulet. papailaw kitang kandila bukas lolo at papailaw din ako para sa akin. sana alam ng mga tao na ang buhay namin ang dapat na ipinagdidiwang sa tuwing sumasapit ang undas, sana maalala ko rin ito.
gutom na ako at nayoyosi na, buhay pa rin ang crib ni yin.